Ang Lungsod ng Sto. Tomas sa Batangas ang kauna-unahang local na pamahalaan na naki-partner sa Nick Joaquin Literary Awards (NJLA) para sa proyekto nitong “Adbokasiya sa pagkamit ng Kahusayan sa Ingles sa Pamamagitan ng Literatura.”
Ang NJLA-LGU proyektong ito ay nagmula sa Philippines Graphic magasin—tagapagtaguyod ng NJLA at Philippines Graphic Reader, ang tanging buwanang publikasyon na naglalabas ng mga maikling kwento at tula na sinulat sa Ingles ng mga baguhan at beteranong manunulat at makata sa Pilipinas.

Naganap ang pirmahan ng Memorandum of Agreement sa lungsod na ito sa pagitan ni City of Sto. Tomas, Batangas Mayor Arth Jhun A. Marasigan at Philippines Graphic Executive Vice President-General Manager Loida S, Virtudazo.
Sinabi ng mga opisyal ng lungsod na ang mga mag-aaral sa Grade 9 at Grade 10 ng limang public high school ng lungsod ang makikinabang sa proyekto.
“Ang pagpapakilala ng babasahing nagtataglay ng mga maikling kwento at tula na sinulat sa Ingles ng mga kwentista at makatang Pilipino ay magiging isang mayamang karanasan para sa mga mag-aaral sa Grades 9 at 10,” ayon kay Mayor Marasigan.
Dinagdag pa ni Marasigan na “ang pagbabasa ng mga sinulat ng mga Pilipinong kwentista at poeta ay magiging daan sa pagtuklas ng kanilang sariling kakayahan sa malikhaing pagsulat. Magiging gabay ito ng mga kabataang mag-aaral sa pag-alam ng mga estilo sa pagsusulat at pagkakaroon ng kahusayan sa Literatura.”
Binanggit ni Vice Mayor Catherine Jaurigue-Perez na ang Lungsod ng Sto. Tomas, Batangas ay “may kabuuang 3,189 mag-aaral sa Grade 9 at 3,103 mag-aaral sa Grade 10.”
Ayon naman kay Loida Virtudazo, ang Student’s Corner ng Philippines Graphic Reader ay magsisilbing daluyan sa pag-aaral at pagkabisa ng tamang Ingles, mula sa mga malikhaing pagsulat ng mga kwentista at makatang Pilipino.
“Ito ang simula ng isang mahabang NJLA-LGU-public high schools na proyekto, tungo sa pagpapayaman ng kahusayan sa Ingles at pagkilala sa mga nilikha ng ating sariling mga kwentista at mga poeta. At lahat ito ay manggagaling sa ating pag-popularisa ng ating mga sariling kwento at tula sa puso at diwa ng mga kabataang mambabasa,” sabi ni Virtudazo.
Ipinangalan sa yumaong National Artist at dating punong patnugot ng Philippines Graphic na si Nick Joaquin, ang NJLA ay isang taunang kaganapan o event na kung saan kinikilala ang mga pinakamagagandang malikhaing pagsulat sa Ingles ng mga kwentista at manunulang Pilipino. Ginagawaran ang mga mananalo na premyo nagmumula sa P15,000 hanggang P50,000.
Isa sa layunin ng NJLA 2024 ay ang pagpaparating sa mga public high school ng mga maikling kwento at tulang sinulat sa Ingles ng mga kwentista at manunulang Pilipino.
Gaganapin ang NJLA 2024 sa Mayo 7 sa SM Aura Premie, 26th Street corner McKinley Pkway, Taguig City.
“Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NJLA sa mga pamahalaang lungsod ng ating bansa. Ipapakilala ang aming mga LGU partners, sampu ng mga paaralang sakop ng proyekto, sa NJLA 2024,” pagtatapos ni Virtudazo.