YAKAP ng PhilHealth, Kaagapay ng Libu-libong Mag-aaral ng DepEd  

YAKAP ng PhilHealth, Kaagapay ng Libu-libong Mag-aaral ng DepEd  

Bilang paghahanda sa pagbubukas ng bagong School Year sa Hunyo 8, 2026, malinaw ang  direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.: Tiyaking handa ang mga pampublikong  paaralan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral.  

Habang puspusan ang pagsasaayos ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng Brigada Eskwela,  pinalalakas naman ng PhilHealth ang proteksiyong pangkalusugan para sa mga mag-aaral,  guro, at kawani ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng YAKAP.  

Sa tulong ng YAKAP, mas napapalapit sa mga paaralan at komunidad ang mahahalagang  serbisyong pangkalusugan. Dahil dito, mas maagang natutukoy at natutugunan ang mga  karamdaman, na nakatutulong upang mabawasan ang pagliban ng mga mag-aaral sa klase at  ng mga magulang sa trabaho dahil sa sakit ng kanilang mga anak.  

Kabilang ang mga paaralan sa mga prayoridad na lugar ng implementasyon ng YAKAP upang  habang bata pa lamang ay magkaroon na ang mga mag-aaral ng regular na gabay mula sa  kanilang napiling Primary Care Provider tungkol sa pangangalaga ng kanilang kalusugan. Sa  pamamagitan ng mas madaling access sa mga serbisyong pangkalusugan, mas  makapagpopokus sila sa kanilang pag-aaral.  

Sa kasalukuyan, 66 paaralan na ang nakinabang sa YAKAP, na may kabuuang 7,084 na mga  benepisyaryong mag-aaral, guro, at kawani. Inaasahang madaragdagan pa ang bilang na ito sa  mga susunod na araw sa patuloy na pagtutulungan ng PhilHealth at DepEd upang maisulong  ang mas malusog na komunidad ng mga mag-aaral.  

Sa ilalim ng YAKAP, maaaring makatanggap ang mga benepisyaryo ng konsultasyon, mga  kinakailangang laboratoryo at diagnostic procedures, at mga gamot batay sa pagsusuri at  rekomendasyon ng kanilang Primary Care Provider.  

Ayon kay PhilHealth President and CEO Dr. Edwin M. Mercado, “Ang aming pakikilahok sa  Brigada Eskwela ay higit pa sa paghahanda ng kanilang kapaligiran. Layunin naming  makabuo ng isang matibay na proteksyong pangkalusugan para sa ating mga mag-aaral.  Sa pamamagitan ng YAKAP, isinasakatuparan natin ang bisyon ng Pangulo na mabigyan  ng kapanatagan ang mga magulang tungkol sa kalusugan ng kanilang mga anak bago pa  man magsimula ang pasukan.” 

Maaaring magparehistro sa YAKAP gamit ang eGov App o sa PhilHealth Local Health  Insurance Offices (LHIOs).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *